Thursday, October 11, 2012

SA LIKOD NG MGA NGITI


Ang mga ngiti ay minsan mapanlinlang. Hindi mo alam kung totoo o peke ang ngiti ng taong inyong kaharap. Iba-iba ang dahilan ng pagngiti ng isang tao. Depende ito sa mga bagay na nangyayari sa buhay nila o di kaya'y sa emosyong dinadala nila. May mga taong hindi masyado pinapansin ang kilos, ekspresyon ng mukha, tono ng pananalita, pagbitiw ng salita o ng biro nga mga taong nakakasama nila. Ang iba naman ay masyadong naka-focus kung anong misteryo ang bumabalot sa isang tao lalo na pag minsan medyo mahirap basahin ang personalidad ng isang tao. Hindi naman kasi lahat expressive. May iba rin na akala mo okay lang pero ang totoo nasa loob ang kulo. Yun bang akala mo mabait yun naman pala puro kasamaan ang kalooban. May iba naman na akala mo masama pero ang totoo kabutihan ang nasa puso.

Ako kaya? Ano pa bang hindi ko alam? Ano bang kwento sa likod ng mga ngiti ko? Totoo ba ang nakikita niyo sa mga litrato o nakatago sa likuran ng mga mata ko ang tunay na nararamdaman ko? Masasabi niyo ba na sa bawat makukulit na pose ko sa harap ng camera ay may babaeng pinipigilan lang umiyak at tinatago ang problema? Kayo na ang bahalang humusga.

Sa mga taong nakakakilala sa akin, walang araw na hindi ako nagsasalita o di kaya'y nag-iingay. Walang araw na hindi ako tumatawa. Sa dami ng litratong makikita ninyo sa Facebook account ko, hindi niyo aakalaing marami akong problema. Sa katunayan nga, marami akong iniisip. Marami akong hinaing. Ayoko lang kasing nakikita ako ng mga kasama ko na hindi ako okay.

May mga pagkakataong hinihingan ako ng tulong ng mga kaibigan ko. Minsan, sumasabay ang problema nila sa mga problema ko. May ugali pa naman ako na pag may nagshare sa akin ng problema, gagawa ako ng paraan para matulungan yung taong iyon at isasang-tabi ko muna yung sarili kong suliranin. Bakit nga kaya ganun? Pag sa iba nakaka-isip ako ng paraan para matulungan sila pero ang sarili ko, wala akong magawa.

Sa likod ng mga ngiti, may pusong nasasaktan. May mga bagay na iniiwasan mangyari pero dahil sa mapaglaro ang tadhana, bigla na lang ito dadaan sa buhay mo. May mga tao na pinagkatiwalaan mo pero dahil sa mga ngiting nasaksihan nila mula sa iyo, hindi nila naisip na ang ngiting iyon ay pwedeng mapalitan ng lungkot.

Sa likod ng mga ngiti, may pusong patuloy na umaasa. Minsan hindi sapat na nagmahal ka para lang maging masaya. Akala mo pag nagmahal ka, yun ang magiging dahilan para lumigaya ka. Ganun naman sana hindi ba? Ganun naman dapat. Pero minsan, hindi maiiwasan na kung sino pa yung nagmamahal, siya pa yung nasasaktan. Pero kahit na gaano pa karaming sakit at lungkot ang dumating, hindi mawawalan ng pag-asa ang pusong gustong umibig.

Sa likod ng mga ngiti, may utak na naguguluhan. Sa dami ng bagay na iniisip, minsan akala mo nag-aaway na ang puso at ang utak mo. Nasaan na ang talino pag pinagana na ang emosyon? Dun mo maiisip kung ano ba talaga ang mahalaga: utak o puso? Diyan din lumalabas ang pagtatagisan ng galing ng gusto at ng kailangan. Ano ba ang dapat unahin? Yung gusto mo o yung kailangan mo? Pano sa sitwasyon ko? Gusto kong maging masaya. Puso o utak?

Sa likod ng mga ngiti, may ibang taong natutulungan. Hindi ko sinusumbat sa mga kaibigan ko ang nagawa ko para sa kanila. Natutuwa ako dahil masasabi ko na minsan sa buhay ko ay naging inspirasyon ako para sa iba. Masaya ako para sa kanila. Darating kaya ang panahon na may taong magiging masaya para sa akin? Kailan darating ang panahong ako naman ang matutulungan?

Sa bawat ngiti na aking nagagawa at patuloy na pinapasa sa iba, nakakakuha ako ng lakas. Hindi lang ako ang may problema. Alam kong may mga taong mas mabigat pa ang problema kesa sa akin. Siguro nga kaya nilikha akong ganito ay para sabihin sa mga tao na "Oy ikaw, kaya mo yan!"

Ayan mga kaibigan. Nakita niyo ang iba't ibang itsura ko sa harap ng camera. Parang ang saya ko noh? Parang wala akong iniisip na problema. Pero ang totoo niyan, gusto ko nang sumuko. Pero para saan pa't nagbibigay ako ng advise sa mga tao kung ako sa sarili ko ay susuko? Naniniwala ako na darating ang panahon na malalampasan ko kung ano man ang problema ko ngayon. Mahirap lang magsabi dito dahil hindi naman lahat kayo ay may paki-alam. Sa haba nito, baka nga hindi pa ito tapusin ng iba. Salamat na lang at may blog akong handang sumalo ng sama ng loob ko.

Dito ko sasabihin sa inyo na wag na wag kayong magsawang ngumiti. Kahit ano pa ang dahilan o kwento sa likod ng mga labi niyo, wag kayong tumigil ipasa sa iba ang ngiting nagagawa ninyo.

Ngiti tayo, kaibigan! :)

No comments:

Post a Comment