Thursday, October 11, 2012

KUNG PWEDE LANG


Sa dami ng problemang dumarating, hindi mo alam kung papaano mo haharapin. Minsan hindi mo na alam kung tama pa ba yung mga iniisip mong paraan para lumusot sa problema. Wala eh. Darating ka sa puntong gusto mo na lang talikuran lahat pero hindi mo naman alam kung sa pagtalikod mo, may naghihintay na ginhawa. Minsan kasi akala natin tayo na ang may pinaka mabigat na problema. Hindi na natin naiisip na may iba pang taong mas malaki ang dagok sa buhay. Sabi nga nila, bago mo unahin ang iba, unahin mo muna ang sarili mo. Ang dami mong iniisip, hindi mo na alam kung kailan ka lulubayan ng mga gumugulo sa isip mo. Sa sobrang dami, hindi mo alam kung anong uunahin mo. Di mo na nga alam kung papano mo tutulungan ang sarili mo kahit na napakarami mong kaibigang malalapitan.
Hindi rin naman sapat na may malalapitan ka. Nakakahiya din naman kasing lumapit pag may problema ka. Hindi mo alam na baka yung taong lalapitan mo may problema rin. Kapal naman ng mukha mo kung hindi mo maiisip na baka nakakasagabal ka sa taong gusto rin makalaya sa suliraning hinaharap.
Hay buhay! Walang kulay kung walang problema. Sabi nga ng mga matatanda, hindi tayo bibigyan ni God ng problemang hindi naman natin kaya lampasan. Pagsubok lang para magpatatag sa pagkatao mo. Kanya-kanyang diskarte na lang kung paano makakalabas.
Sana ang problema parang araw lang. Kumbaga pag natapos ang 24 hours, tapos na rin sana ang problema. Hindi na dapat problemahin pa bukas yung naging problema ngayon. Sana nga ganun lang kadali. Sana ganun na lang ang lahat. Pero hindi eh. Minsan kahit na gusto nating itaboy ang problema, nang-aasar pa at gusto pang tumambay sa utak mo. Walang duda! Maraming tao ang nasa mental dahil sa ganyan. Mga taong hindi nakalaya sa problema. Ang problema nilang hindi nalutas, nadagdagan pa ng mas malaking problema.
Kung pwede lang takasan lahat para lang maging masaya matagal ko nang ginawa. Pero hindi eh. Hindi ako makasarili para lang unahin lahat ng gusto ko. Kung matatawag man akong makasarili, yun siguro yung pagiging selfish ko pag dating sa problema. Hay! Ayoko lang kasi mamroblema ang ibang tao dahil lang sa problema ko. Ayoko maging dahilan ng karagdagang stress nila sa buhay. Basta ako, sapat na sa akin ang may ballpen at papel para isulat lahat ng nararamdaman ko. Nagpapasalamat din ako dahil may blog akong handang sumalo ng lahat ng tina-type ko. 
Kung pwede lang naman tumakas… Pero alam kong hindi.

No comments:

Post a Comment