One must have a good memory to be able to keep the promises that one makes. -Friedrich Nietzsche
Mahirap mangako lalo na kung alam mo sa sarili mo na hindi mo naman kayang tuparin. Natutunan ko yan pagkatapos kong grumaduate sa high school. Sabi nga nila, negative trait ko daw yun - walang isang salita. Hindi madaling tanggapin yung mga ganung salita. Pero diba nga, may kasabihan na mas mainam nang masaktan dahil sa nalaman mo ang katotohanan, kesa sa makarinig ka ng magagandang bagay na puno ng kasinungalingan. Pinilit kong baguhin ang sarili ko. Hinarap ko pa rin ang mga taong nagsabi sa ‘kin ng ganon. Nagsorry ako at pinatunayan ko na kaya kong baguhin ang sarili ko. At ngayon, kaya kong sabihin na nagtagumpay ako sa plano kong pagbabago.
When I promise, I do it. Hindi man agad-agaran pero ginagawa ko pa rin. It’s better to be late than never, right? Tama nga yung sinasabi ng karamihan na sa bawat pagkakamaling iyong nagawa, natututo kang gumawa ng tama. Sa mga salitang iyong binibitiwan, alalahanin mo na may taong umaasa sa ‘yo. Akala mo lang na balewala ang mga sinasabi mo pero hindi mo alam na tinatandaan nila yun ng sobra-sobra.
Pag may napag-usapan kayong petsa o araw, sumipot ka. Kung may biglaang pangyayari man, magsabi ka ng mas maaga para ma-i-urong sa ibang araw kung ano man ang napag-usapan niyo. Alalahanin mo, ang bawat tao ay may kanya-kanyang kuro-kuro sa tao habang nakatalikod. Hindi mo namamalayan, kung anu-ano nang sinasabi sa ‘yo. Kaya mabuti nang tumupad sa usapan kesa lumala pa ang sitwasyon.
Sa lahat ng bagay, ito ang pinakamatindi. Iba talaga pag pera ang pinag-uusapan. Maraming relasyon ang nasira ng dahil dito. Hindi ba? Alam ko, sa mga nakakabasa nito, meron at meron kayong naiisip tungkol sa ganitong bagay. Sa mga magkakapit-bahay, may nababalitaan akong di pagkakaintindihan dahil sa salapi. Syempre hindi mawawala sa mag-asawa. Naku po! Kung hindi kabit ang problema, pera. Kung ang mga magkakamag-anak nga nag-aaway nang dahil sa pera, magkakaibigan pa kaya?!
Simple lang naman ang pinagmumulan ng ganitong problema eh. Utang. Para sa akin, ang taong nangungutang ay nagigipit. Nangangailangan kumbaga. Ang nagpapautang ay ang taong may sobra. Ganito lang yan eh: You can’t share what you don’t know and you can’t give what you don’t have. Wala kang maipamamahagi kung wala kang alam at wala kang maibibigay kung wala kang pag-aari. Okay. Tama ba ang pagsasalin ko? Anyway. Bahala na kayong umintindi niyan. Kung ako ang tatanungin kung sino ako sa dalawa, pareho ang sagot ko. Minsan, may mga panahon na nakukulangan ako ng pera. Tulad na lang sa pamasahe. Sa dami ng gastusin sa eskwela, kailangan mong unahin yun. Saka mo na lang maiisip na ‘Ay, wala na pala kong pamasahe.’ Kanino ka ba unang tatakbo? Sa kaibigan diba? Alam ko na pag kaibigan mo, hindi ka matitiis. Maiintindihan niya kung ano man ang pinagdadaanan mo. Handa siyang tumulong kung kinakailangan mo siya kasi kaibigan ka niya. Yun ang ginagawa ko. Makiki-usap ako kung pwede ba kong humiram. Pag pumayag, salamat. Pag hindi, hanap ulit ng pwedeng mahiraman. Pag umutang ako ngayon, babayaran ko bukas. Kung hindi ko man maibigay bukas, sa susunod na araw. Hindi ko kailanman pinatagal ang utang ko dahil hindi ako pinapatulog nito. Isang linggong hindi pagbabayad, kinakabahan na ko. Pero pinapaalam ko sa taong inutangan ko pag hindi ako makakabayad. Para hindi umasa ng umasa yung tao sa ‘kin. Nakakaramdam din naman ako ng hiya. Ako ang nangailangan, wala akong karapatan magalit. Nahihiya ako pag sinisingil ako. Kaya nagbabayad ako sa tamang oras. Kung kailan ko sinabi, ganun ko rin ibibigay.
Bakit ko ba naisipan isulat ang tungkol dito sa issue na ‘to? Sa dinami-rami ng pwedeng pag-usapan, ito pa ang napili ko. Isa lang naman ang gusto kong ipahiwatig sa lahat ng mambabasa. Hindi madaling magtiwala at pagkatiwalaan. Sa mga pangako mong hindi natutupad, nababawasan ang pagtitiwala sa ‘yo. Masakit mangyari yun. Wag mong paabutin sa panahon na mawawalan ka ng kaibigan ng dahil sa nasirang tiwala.
Kung ano’ng iniisip mo, sinasabi mo. Ang mga sinasabi mo, ginagawa mo. At lahat ng ginagawa mo ay sumasalamin sa kung anong klaseng personalidad ang mayroon ka. Pangalagaan ang relasyon na meron ka. Wag basta-basta magtiwala. Kung pinagkakatiwalaan ka, pangalagaan mo ito.
No comments:
Post a Comment