Minsan may mga bagay na gustong-gusto mong iwasan pero hindi mo mapigilan. Binabalik-balikan mo kahit alam mong walang kasiguruhan kung may babalikan ka pa. Minsan nakakapagod din ang maghintay, pero aminin mo na kahit sinasabi mo sa sarili mo na tumigil ka na, hindi mo pa rin maiwasan. Kahit nalulungkot o nasasaktan ka sa sarili mong gawain, wala pa ring makakapigil sayo sa gusto mong gawin.
Akala mo okay ka pero hindi naman pala. Sinasabi mong okay ka sa harap ng marami pero ang totoo tinatago mo ang tunay mong nararamdaman. Kulang na lang ma-awardan ka ng best actor/actress dahil sa ginagawa mong pagtatago ng saloobin mo. Gusto mong ilabas pero hindi mo alam kung paano. Natatakot ka kung paniniwalaan ka o kung matatanggap nila ang mga gusto mong sabihin. Dahil sa pagdadalawang isip, tuluyan na lang maitatago sa puso mo ang lahat.
Kulang sa lakas ng loob. Yan ang problema ng karamihan. Nandiyan kasi ang pagdududa, pagkawala ng tiwala sa sarili, takot na hindi matanggap ang sasabihin at kung ano pang rason para hindi mailabas ang tunay na nararamdaman. Mahirap, mabigat sa loob at nakakabaliw ipunin lahat ng nararamdaman. Minsan dinadaan na lang sa biro ang lahat para pagtakpan yung feeling. Play safe kumbaga. Nahihiya ka kasi iniisip mong wala naman pupuntahan o mangyayari pag sinabi mo pa. Pero papaano kung lahat ng iniisip mo ay mali? Pano kung naghihintayan lang kayo? Paano kung pareho kayo ng takbo ng isip at naghahanap lang ng tyempo?
Ang hirap noh? Hindi mo alam kung saan ka magsisimula. Hindi mo alam kung papaanong harap ang gagawin mo pag nandiyan na yung taong gustong-gusto mong makausap pero hindi mo naman mailabas ang mga gusto mong sabihin. Kahit lakasan mo pa ang loob mo, nauunahan ka pa rin ng takot. Ganito na lang mga kaibigan, take the risks. It’s either pahirapan mo ang sarili mo at magpakalunod sa mga tinatago at iniipon mong emosyon o unti-unti mong ilabas lahat ng iyan. Kung masaktan ka, bangon. Kung dulot niyan ay kasiyahan, congratulations!
Kung nakaka-relate ka, mag-isip isip ka na.
No comments:
Post a Comment